Killer ng gay, timbog sa ipinost sa Facebook
MANILA, Philippines - Natimbog ng Caloocan City Police ang suspek sa pamamaslang sa isang gay makaraang matunton siya dahil sa post sa social networking site na Facebook ng babaeng pinagbentahan niya ng ninakaw na cellular phone sa biktima, kamakalawa ng hapon.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery with homicide ang suspek na nakilalang si Felix Salut, 22, residente ng Lirio St., Camarin, ng naturang lungsod habang posible namang maharap sa kasong paglabag sa anti-fencing law si Rowena Fabre, ng La Forteza Subd., Camarin.
Si Salut ang pangunahing suspek sa pagpatay sa 28-anyos na si Norman Mercado, “aka Cielo”, call center agent na natagpuang patay dahil sa mga saksak sa katawan noong Setyembre 20, 2014 sa loob ng kanyang bahay sa may Gumamela Street, Camarin.
Sa ulat, unang ipinakita ng ama ni Mercado na si Norberto ang Facebook posts sa account ng kanyang anak. Isang babae na nakilalang si Fabre ang nakitang nagsi-selfie gamit ang Samsung Duos cellphone na pag-aari umano ng biktima.
Agad na pinuntahan ng mga pulis ang address ni Fabre at isinailalim sa pagtatanong. Umamin naman ito na nabili lang niya ang telepono kay Salut at hindi alam na nakaw ito. Mabilis ring sinalakay ang bahay ng suspek na nagresulta sa pagkakadakip ni Salut. Inamin naman ni Salut ang ginawang krimen.
Ayon sa pulisya, may application umano ang telepono ng biktima na awtomatikong mapo-post sa kanyang Facebook account ang anumang ipopost kahit palitan ng sim card ang cellphone. Malaking tulong umano ang naturang mga teknolohiya sa pagresolba ng mga krimem.
- Latest