World City College, binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga guro at estudyante ng isang paaralan at ospital sa Quezon City, makaraang makatanggap ng text messages ang isang tauhan nito hinggil sa nakatakdang pagsabog ng isang bomba na itinanim sa paligid, kahapon ng umaga. Ayon kay Insp. Noel Sublay, hepe ng Quezon City Police District-Explosive and Ordnance Division, ang bomb threat ay naganap sa may World City College na matatagpuan sa kanto ng Anonas St. at Aurora Blvd., sa lungsod, alas-11 ng umaga. Diumano, isang text message mula sa numerong #0927-4190250 ang natanggap ni Norman Tuvera, marketing manager ng WCC na nagsasaad na “Magandang umaga WCC, may surpresa kami sa inyong mga faculty staff at estudyante. May itinago kaming bomba sa paligid. Hanapin nyo kung makikita nyo. Pero bago nyo makita ay sasabog na ito.” Dahil dito, agad na pinababa ang mga kawani at estudyante ng WCC para makaiwas sa posibleng problema, bago tumawag ng awtoridad. Agad namang rumesponde ang tropa ni Sublay at nagsagawa ng panelling sa paligid ng WCC, subalit makalipas ang alas-12:20 ng tanghali ay negatibo ito. Agad ding pinabalik ang mga kawani at estudyante ng paaralan matapos na mapag-alamang ligtas naman sa bomba ang nasabing paaralan. Sabi ni Sublay, posibleng kagagawan na naman ng taong walang magawa ang nasabing pananakot.
- Latest