Seguridad sa MRT, hihigpitan pa
MANILA, Philippines - Tiniyak ng Metro Rail Transit (MRT-3) na mas lalo pa nilang hihigpitan ang seguridad sa kanilang mga istasyon upang maiwasan nang sinumang indibidwal o pasahero na makatuntong sa mga riles at railings ng tren.
Ang pahayag ay ginawa ni MRT-3 spokesman Atty. Hernando Cabrera kasunod ng pag-akyat ng isang lalaki sa railings ng Guadalupe Station sa Makati City dakong alas-5:50 ng hapon kamakalawa.
Ang insidente ay naging dahilan ng pagkaantala ng operasyon ng MRT-3 dahil na rin sa banta ng lalaki na magpapakamatay.
Ayon kay Cabrera, pag-aaralan din nila kung paanong maiiwasan na makaakyat ang mga tao sa riles at railings ng istasyon. Inaalam na rin nila kung saan dumaan at paano nakaakyat ang naturang lalaki sa riles.
Iginiit ni Cabrera na delikado ang ginawa ng lalaki kaya’t kinailangan nilang itigil ang kanilang operasyon.
Nabatid na nag-operate lamang ang MRT-3 sa pagitan ng North Avenue Station sa Quezon City at sa Shaw Blvd. sa Mandaluyong City habang nagaganap ang insidente.
Dakong alas-7:45 ng gabi nang maresolba ito at naibalik ang normal na operasyon ng mga tren.
Ang MRT ang nag-uugnay sa North Avenue Station at Taft Avenue sa Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
- Latest