16% ng call center agent, positive sa AIDS – QC Health Office
MANILA, Philippines – Umaabot sa 16 porsiyento ng mga call center agent at Information Technology personnel ang positibo sa sakit na AIDS.
Ito ang sinabi ni QC asst. health officer II Verdades Linga matapos makumpirmang positibo sa nasabing sakit ang may 600-katao na sumailalim sa isinagawang AIDS test.
Sa naturang bilang anya na may sakit, aabot sa 6.2 percent naman ay teacher, estudyante, negosyante at mga nag-oopisina.
Gayon pa man, nanlumo si Linga dahil sa mahigit 600 nag-positive sa AIDS na kanilang libreng nasuri, 62 lamang sa mga ito ang bumalik sa tanggapan kaya ang mga ito lamang ang patuloy na natutulungan ng lokal na pamahalaan para libreng magamot ang sakit sa Clinika Bernardo.
Ang Clinika Bernardo na naipatayo ng QC gov’t noong 2012 ay patuloy na nagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga maysakit sa AIDS kahit na ang mga pasyente ay hindi residente sa Quezon City.
Natulungan din ang mga maysakit mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, Pangasinan, Laguna at Rizal nitong mga nakalipas na buwan.
Nakapagtala naman ang QC Health department ng 5-kataong namatay sa sakit na AIDS ngayong 2014 kung saan dalawa ay mula sa Quezon City at ang tatlo naman ay mula sa ibang lugar.
Hinikayat din ni Linga ang mga biktima na huwag mahiya at magtungo sa nabanggit na tanggapan para matulungan at mabigyan ng libreng gamutan.
- Latest