Justice hall nabulabog sa rally
MANILA, Philippines – Pansamantalang naudlot ang serbisyo publiko sa Quezon City Hall of Justice matapos na sumugod ang may 1,000 magsasaka dito at nagsagawa ng rally upang hilingin ang pagpapalaya sa mga “political prisoners.”
Nakasuot ng pulang damit, pilit na pumapasok sa loob ng hall of justice ang mga magsasaka dahilan para makagirian nito ang mga security guards na nagbabantay sa gusali.
Lalong nanggalaiti sa galit ang mga magsasaka nang dumating ang tropa ng Quezon City Police District Station 10 at hinarang ang kanilang daraanan patungo sa hall of justice. Dahil dito, nagsasama-samang nagpiket sa harap ng justice hall ang mga magsasaka kung saan nagsagawa ang mga ito ng programa.
Ayon kay Supt. Limuel Obon, hepe ng PS10, hinayaan lamang anya nilang mag-programa ang mga magsasaka dahil karapatan nila ito, subalit gagawin nila ang kaukulang aksyon kung gagawa na ang mga ito ng kaguluhan.
Pasado alas-8 ng umaga nang sumugod sa justice hall ang mga magsasaka upang igiit ang pagpapalaya sa mga political prisoners. Dahil sa kaguluhan, pansamantalang sinuspinde ang aktibidad sa justice hall at hindi muna pinagtrabaho ang mga kawani sa loob dahil hindi makapasok. Partikular na hinihiling ng mga magsasaka ang pagpapalaya sa mag-asawang lider ng Communist Party of the Philippines na sina Wilma at Benito Tiamzon.
Ang mag-asawang Tiamzon ay inaresto noong nakaraang Marso sa Cebu at naharap sa kasong kidnapping at illegal detention. Nakatakda sana ang pre-trial hearing sa Quezon City Hall of Justice kahapon.
Gayunman, nabalik din sa normal ang operasyon sa QC court ilang oras makaraang maitaboy ng QC police ang mga protesters. Sa kanilang panig, sinabi ng mag-asawang Tiamzon na wala sila sa Quezon noong February 1988 nang maganap ang sinasabing pagdukot sa apat na sundalo ng Philippine Army at isang NARCOM agent na isinasangkot sa kanila.
Niliwanag din ng mag- asawa na sila ay kabilang sa safety and immunity guarantee ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees bilang mga consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace process.
- Latest