NBI agent nagwala, arestado
MANILA, Philippines - Arestado ang isang 41-anyos na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang magwala at magpaputok ng baril sa panulukan ng Nakpil at Adriatico Sts., sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ipaghaharap ng reklamong alarm and scandal at Illegal possession of firearms ang suspek na kinilalang si Special Investigator III Salvador Arteche Jr., nakatalaga sa Anti-Organized and Transnational Crime Division ng NBI. Siya ay kasalukuyang pinipigil sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section para sa inquest proceedings.
Batay sa affidavit nina SPO1 Carlos Chiu, PO2 Celso Corre Jr., PO1 Danel Nepuscua at PO1 Josue Ledesma, pawang nakatalaga sa Manila Police District-Station 5, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang humingi ng police assistance ang mga residente hinggil sa pagwawala umano ng suspek at pagpapaputok ng baril sa lugar.
Ikinagalit umano ng suspek ang pamamalo sa kanyang sasakyan ng grupo ng kalalakihan na hindi na niya inabutan kaya ito nagwala sa lugar.
- Latest