Lider ng kidnap for ransom gang, timbog
MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang lider ng kidnap for ransom (KFR) gang at dalawang iba pa sa isinagawang operasyon sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Supt. Roberto Fajardo, chief ng PNP-AKG ang mga nadakip na suspect na sina Riccinte Padillo, alyas Teng, lider ng Padillo KFRG; ang live-in partner nito na si Yasmin Cruz at bodyguard/driver na si Ivan Estrella.
Ayon kay Fajardo, ang mga suspect ay nasakote sa Pinecrest 1, Newport Residential Resort, Pasay City bandang alas-9:23 ng gabi.
Ang mga suspect ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Bernelito Fernandez ng Regional Trial Court (RTC) Branch 97, Quezon City sa kasong kidnapping for ransom.
Si Padillo ay kabilang sa mga nasa talaan ng PNP-AKG sa mga most wanted na kidnapper na pakay ng kanilang manhunt operations.
Ang grupo ni Padillo ay responsable sa pagkidnap sa negosyanteng si Sally Chua noong Hulyo 5, 2013 sa Quezon City.
Si Chua ay dinala ng mga kidnapper sa Davao City kung saan ito nasagip ng mga awtoridad.
Sina Cruz at Estrella ay mayroon ding warrant of arrest sa kasong large scale estafa na ipinalabas ni Judge Corpuz Alzarte ng Regional Trial Court Branch sa Banqued, Abra.
Isinailalim na sa kustodiya ng PNP-AKG sa Camp Crame ang mga nasakoteng suspect at nakatakdang iharap sa paglilitis ng korte sa mga kasong kanilang kinakaharap.
- Latest