Pekeng parak, 2 galamay arestado sa checkpoint
MANILA, Philippines – Isang lalaking nagpapanggap na pulis, kasama ang dalawa pang alagad nito ang inaresto makaraang tangkain ng mga itong umiwas sa checkpoint habang sakay ng isang motorsiklo sa lungsod Quezon.
Kinilala ng bagong District Director ng Quezon City Police na si Senior Supt. Joel D. Pagdilao ang nagpanggap na pulis na si Rodel Tojoy, 24, security guard ng Calamba City; at kasama nitong sina Venjamin Ibanez, 19, ng Brgy. Old Balara; at Kevin Ebasabal, 27, ng San Mateo Rizal.
Ayon kay Pagdilao, si Tojoy ay kumpleto sa kagamitang pang-pulis tulad ng jacket, posas at IDs ng PNP, maging ang tabas ng kanyang buhok nang dakpin ng mga tauhan ng Police Station 10.
Sa ulat , naganap ang pag-aresto habang ang mga suspek ay sakay ng isang kulay itim na Rusi motorcycle na walang plaka at tinatahak ang kahabaan ng Scout Tobias corner Dr. Lazcano St., Brgy. Laging Handa.
Bago ito, nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ng Galas Station sa may Brgy. Don Manuel, ganap na alas-12:35 ng madaling araw nang iwasan ito ng mga suspek.
Dahil dito, napilitan ang mga pulis na habulin ang mga suspek hanggang sa pagsapit sa kalsada ng Brgy. Laging Handa ay naharang sila ng mga tropa ng PS10 at inaresto.
Samantala, nang tanungin si Tojoy kung bakit siya mayroong gamit ng pulis, sinabi nito na ang jacket ng pulis ay regalo sa kanya at ang baril naman ay pang-self-defense lang niya at nabili sa kanto-kanto.
Kaugnay naman sa tanong kung sangkot sila sa panghoholdap, sagot ni Tojoy “ako pa nga ang nanghuhuli minsan ng mga holdaper eh,” kung kaya siya may dalang posas.
Sa kasalukuyan ang tatlo ay nasa kustodiya ng PS10 habang inihahanda ang kasong illegal possesion of firearms at usurpation of authority.
- Latest