4-day work hindi solusyon sa trapiko – Manila dad
MANILA, Philippines - Inihayag ni Manila 1st District Councilor Ernesto Dionisio, Jr., na hindi solusyon sa masikip na trapiko ang 4-day work na nais na ipatupad ng Civil Service Commission (CSC) sa mga government agencies.
Sinabi nito na mas dapat na pagtuunan ng pansin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglilinis sa mga obstruction sa kalsada tulad na rin ng mga vendor at mga ginagawang talyer na sumasakop na sa kalye.
Giit ni Dionisio, ang kalsada ay dapat lamang para sa mga sasakyan at walang anumang mga harang na makakaabala sa daloy ng mga sasakyan. Dumadagdag pa aniya dito ang mga pagbubungkal ng mga kalsada ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pagsasaayos ng mga water concessionaire.
Ayon kay Dionisio, mas dapat na pairalin ng pamahalaan ang disiplina sa halip na pagpapatupad ng 4-day work kung saan posibleng masakripisyo ang trabaho ng mga empleyado.
Gayunman ipinaliwanag ng konsehal na nakasalalay pa rin kay Manila Mayor Joseph Estrada kung ipatutupad ang 4-day work sa city hall subalit kailangan pa rin itong dumaan sa konseho ng Maynila upang mapag-aralan kung may mga legal impediments.
- Latest