Hirit ng 2 parak sa ‘EDSA hulidap’ na lipat selda, ibinasura
MANILA, Philippines – Mananatili sa Mandaluyong City Jail ang dalawang pulis na isinasangkot sa insidente ng ‘hulidap’ sa EDSA kamakailan.
Ito’y matapos na ibasura ni Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) Branch 213 Judge Carlos Valenzuela ang mosyon ng mga ito na mailipat sila sa PNP Custodial Center sa Camp Crame mula sa Mandaluyong City Jail.
Nauna rito, humirit sa hukuman sina P/Chief Insp. Joseph De Vera at PO2 Joseph Rodriguez na mailipat ng kulungan dahil may banta umano sa kanilang buhay sa loob ng kasalukuyang piitan bunsod na rin ng dami ng kanilang mga naipakulong.
Gayunman, hindi pinagbigyan ng korte ang kahilingan ng dalawang pulis dahil na rin sa administrative circular ng Korte Suprema na dapat nilang sundin sa mga ganitong kaso.
Samantala, hindi pa nadedesisyunan ng korte ang mosyong maibasura ang kasong highway robbery laban sa dalawa dahil hinarang ito ng prosekusyon.
Humingi naman ng limang araw ang depensa upang makapagkomento sa mosyon.
Muli rin namang itinakda ang arraignment kina de Vera at Rodriguez sa Nobyembre 12 para sa kasong carnapping, kidnapping for ransom at robbery in band.
Nag-ugat ang kaso matapos na ituro ang dalawang pulis at 10 pa nilang kasamahan na siya umanong responsable sa panghoholdap at pagkidnap sa dalawang katao sa EDSA, Mandaluyong City.
- Latest