MANILA, Philippines - Mariing ipinag-utos kahapon ng hepe ng Pasay City Police sa kanyang mga tauhan na itaboy ang mga barker makaraang makatanggap ng ulat na sangkot ang mga karamihan sa mga ito sa pandurukot at snatching, maging sa pangingikil sa mga driver.
Inatasan ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police si Chief Inspector Eric Albustia, commander ng PCP 5 na paalisin sa nasabing lugar ang mga barker na inirereklamo ng mga driver.
Isa sa nagreklamo si Rudy Lumbao, 45, taxi driver na nagsabing sapilitan umano silang hinihingian ng mga barker ng halagang P5.00 sa tuwing magsakay sila ng pasahero sa tapat ng Kabayan Hotel na matatagpuan sa EDSA-Taft Avenue, Pasay City Police.
Sa oras na tumanggi ang taxi driver o ang pasahero na magbigay ginagasgasan ng mga barker ang kanilang sasakyan gamit ang pako at tansan ng softdrinks.
Panawagan ng mga taxi driver at mga pasahero kay Pasay City Mayor Antonino Calixto, na agarang aksiyunan ang kanilang reklamo laban sa mga barker. (Lordeth Bonilla)