MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang mag-ama matapos barilin ng hindi pa nakilalang suspek kamakalawa sa Muntinlupa City.
Dead-on-arrival sa Alabang Medical Clinic ang mag-amang sina Edmundo Tan, 39, tricycle driver, ng San Guillermo St., Purok 6 Brgy. Bayanan ng nasabing lungsod sanhi ng tatlong tama ng bala ng kalibre 9mm pistol sa ulo at sa katawan, habang ang anak nitong babae na si Anniecka Eunice, 6 ay nagtamo naman ng isang tama ng bala ng nasabing kalibre ng baril sa dibdib ay nadamay lamang sa insidente.
Sa report na natanggap ni Police Senior Supt. Allan Cruz Nobleza, hepe ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente alas-4:45 sa tapat ng E.P.E Tedted Store, sa Wawa St., Purok 8 Brgy. Alabang ng naturang siyudad.
Ayon sa ulat, kasalukuyang pinapasada ng biktima ang kanyang tricycle na may plakang ZE-1519 at angkas nito sa harapan ang anak na si Anniecka habang naghihintay ng pasahero sa naturang lugar.
Bigla umanong dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala na ng baril si Edmundo kung saan tinamaan din ang katabi nitong anak.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang mag-ama naman ay dinala sa nasabing ospital, subalit hindi na nakarating nang buhay.
Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya, talamak umano ang droga sa naturang lugar at iniimbestigahan kung may kinalaman dito ang naturang pamamaril.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon. (Lordeth Bonilla)