Truck salpok sa jeep: 3 totoy patay
MANILA, Philippines - Patay ang tatlong bata matapos na salpukin ng isang humaharurot na truck ang isang nakaparadang jeep na malapit sa pinaglalaruan ng mga biktima sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Ang mga biktima na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Jose Rodriguez Hospital sanhi ng mga tinamong pinsala sa ulo at katawan ay nakilalang sina Jabez Marlo Gestupan, 9; Jerwin Mendoza, 7 at Adrian Boyson, 6, pawang mga residente ng Brgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Kasalukuyan namang nakakulong sa Caloocan City Police detention cell at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property ang suspek na si Randy Molo, 30, residente ng Quickway St., Brgy. Pajo, Meycauayan, Bulacan.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Michael Calora, ng Caloocan City Police Traffic Bureau, naganap ang insidente alas-3:00 ng hapon sa kahabaan ng Phase 10B, Block 5, Brgy 176, Bagong Silang ng naturang lungsod habang ang mga biktima ay naglalaro malapit sa nakaparadang jeep (UVD-879).
Nabatid na dumating ang rumaragang truck na Fuso Canter na may plakang REN-265 na minamaneho ng suspek at sinalpok ang jeep kaya naipit ang mga batang naglalaro.
Binanggit pa sa ulat na hindi nakontrol ng driver na si Molo ang preno nang minamaneho nitong truck.
Nagawa pang isugod sa nabanggit na pagamutan ang mga biktima, ngunit binawian ng buhay ang mga ito habang ginagamot.
Habang agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang driver at maging ang minamaneho nitong truck.
- Latest