5 miyembro ng ‘Sako gang’, arestado
MANILA, Philippines – Limang miyembro ng tinaguriang ‘Sako gang’ ang nadakip ng pulisya matapos holdapin ang isang pampasaherong jeep at tangayin ang pera at iba pang kagamitan ng mga biktima kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Base sa report na nakarating kay Police Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Polce, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Joshua Gadaza, 19; Jonard dela Cruz, 18; Jerick Brondial, 18; at dalawang menor-de-edad.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay naaresto alas-2:45 ng madaling-araw matapos holdapin ang isang pampasaherong jeep na minamaneho ni Andy Patricio (TWN 417) at biyaheng MCU-Caloocan City.
Ayon kay Patricio, kasalukuyan niyang binabagtas ang FB Harrison St., sa Pasay City sakay ang walong pasahero nang siya ay parahin sa kanto ng Saint Scholastica St. ng suspek na si Gadaza na umupo sa kanyang likuran.
Sinabi pa ni Patricio, walang kaabug-abog na tinutukan siya ng patalim sa leeg ng suspek at nagdeklara ng holdap habang namalayan na lang din niyang nakasakay na rin sa loob ng jeep ang mga kasamahan ni Gadaza.
Mabilis umanong nilimas ang kanyang kinita sa loob ng isang araw na pagmamaneho, samantalang ang mga kasamahan nito na armado rin ng patalim ay kinuha naman ang mga cash, cellphones, alahas, at iba pang mga mahahalagang gamit ng mga biktima.
Tinangka rin umanong saksakin ang isa sa walong biktimang nakilalang si Carlo Bustamante, 28, nang ito ay manlaban na nagawa naman ng huli na salagin ang panaksak sa pamamagitan ng kanyang backpack na bag.
Ayon pa kay Patricio, matapos ang paghoholdap ay mabilis na nagsibabaan at tumakas ang mga suspek kung kaya’t pinaharurot naman niya ang kanyang jeep upang humingi ng tulong sa pulis na nagresulta ng pagkakaaresto sa mga suspek.
- Latest