8 tauhan ng MPD-ANCAR sangkot sa kotong, AWOL na
MANILA, Philippines – Itinuturing nang AWOL (Absence Without Official Leave) ang walong pulis ng Manila Police District na sangkot sa pangongotong sa isang Pakistani national noong Setyembre 19.
Ito ang binigyan-diin ni Chief Insp. Artemio Riparip, hepe ng MPD-General Assignment Section matapos na mabigo pa rin ang mga pulis na lumutang sa kabila ng ultimatum na inilabas ni MPD Director, Chief Supt. Rolando Asuncion.
Kinabibilangan ito nina Senior Insp. Rommel Geneblazo at mga tauhan na sina SPO1’s Michael Dingding ,Gerry Rivera, Jay-An Pertubos , Jonathan Moreno, PO2s Renato Ochinang at Marvin de la Cruz pawang nakatalaga sa Anti-Carnapping and Hi-jacking Unit.
Sinabi ni Riparip na ang hindi pagsuko ng mga pulis ay maituturing umanong indikasyon ng kanilang pagiging ‘guilty’ sa kaso. Aniya, mas makabubuting lumantad ang mga pulis at sagutin ang kaso laban sa kanila.
Kinasuhan na ang mga pulis ng robbery extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Manila Prosecutors Office noong Miyerkules.
Ang kaso laban sa mga pulis ay nag-ugat sa reklamo ng negosyanteng si Kamran Khan Dawood, 39, ng no. 1806 Platinum 2000 Annapolis St. San Juan City.
Pinagbintangan ng mga pulis si Dawood na nasangkot sa carnapping at hiningan ng halagang P100,000 kapalit ng pagpapalaya. Subalit hindi tumupad ang mga pulis kung kaya’t nagreklamo si Dawood.
- Latest