13-anyos binoga ng sekyu, patay
MANILA, Philippines - Nagmistulang ibon ang 13-anyos na totoy na nangangalakal ng basura matapos itong barilin ng isang security guard sa bahagi ng Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mike Stainer ng # 1730 Road 3 sa Brgy. Punta, Sta. Ana, Manila.
Sa tulong naman ng mga kasamahang nangangalakal ng biktima, positibong itinuro ang suspek na si Gerald Loyd Bantigue, 27, stay-in security guard ng Giant Eagle Security Agency.
Naganap ang insidente kamakalawa habang naka-duty ang suspek sa isang condominium sa panulukan ng Delas Alas at Carreon Streets sa nasabing lugar.
Nabatid na nangunguha ng basura ang biktima kasama ang tatlong bagets sa binabantayan ng suspek ay pinaalis sila nito kaya nagsitakbuhan at naiwanan na ang mga nakuhang kalakal.
Makalipas ang ilang oras, binalikan ng apat ang naiwang kalakal subalit nakita ulit sila ng suspek kaya muling nagtakbuhan subalit naiwan ang biktima na siyang inabot ng pamamaril ng suspek, na nahulog pa sa Pasig River.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3 kamakalawa nang lumutang ang bangkay ng biktima sa Pasig River sa bahagi ng Sta. Ana, Manila.
- Latest