Bar exams pinababantayan
MANILA, Philippines - Pinababantayan ni Manila 4th District Councilor Anton Capistrano sa Manila Police District (MPD) ang isasagawang bar exams na magsisimula sa Linggo, Oktubre 5 sa University of Santo Tomas (UST).
Ayon kay Capistrano na Chairman ng Committee on Peace and Order, ang kanyang paalala ay upang maiwasan ang anumang gulo sa pagitan ng mga unibersidad o dulot ng ibang grupo.
Inatasan na niya si MPD Director, Chief Supt. Rolando Asuncion na siguraduhing nakakalat ang kanyang mga tauhan upang hindi makaporma ang nais na maghasik ng gulo.
Kailangan aniyang mabigyan ng sapat na seguridad ang mga bar examinees na apat na linggong kukuha ng pagsusulit.
Giit ni Capistrano, hindi na umano dapat na maulit ang insidente kung saan nagkaroon ng pagsabog at ilang inosenteng sibilyan ang naging biktima na humantong sa pagkakaputol ng paa ng isa sa mga biktima.
Sinabi naman ni Asuncion, na nagpalabas na siya ng order para sa bar exams kung saan maging ang re-routing ay kanilang ilalabas sa linggong ito.
- Latest