Illegal demolition ng religious group kinondena
MANILA, Philippines - Kinondena ng mga residente ng Bgy. 732, Singalong, Maynila ang ginawang illegal demolition ng isang religious group sa kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Mario.
Ayon sa mga residente, iligal ang ginawa ng Pentecostal Missionary Church of Christ 4th Watch, na pagmamay-ari umano ng isang Arsenio Feriol nang iutos nito ang umano’y pagpapagiba sa mga bahay sa kasagsagan ng bagyo bukod pa sa kawalan ng court order.
Bunsod nito, nagpasaklolo kay Manila Vice Mayor Isko Moreno ang may 11 pamilya na naapektuhan ng illegal demolition kung saan agad na inutos ng bise alkalde ang paggiba sa bakod na inilagay ng religious group.
Nabatid na sa bangketa pansamantalang namalagi ang mga naapektuhang residente matapos na bakuran at itapon ang kanilang mga gamit ng demolition team.
Sinabi ni Moreno, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-demolish sa mga bahay kung bagyo at gabi, kailangan din umanong may koordinasyon sa city government at may court order.
Lumilitaw din sa record sa pagbabayad ng amilyar na ang lupa ay pagmamay-ari pa rin ng isang Mr. Acosta.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga residente kay Moreno kung saan sinabi ng mga ito na 1946 pa sila nakatira sa lugar.
Napag-alaman na Setyembre 19, kasabay ng paghagupit ng bagyong Mario nang isagawa ng grupo umano ni Feriol ang paggiba sa mga bahay sa kabila ng kanilang pagmamaka-awa.
- Latest