8 MPD cops dawit sa ‘kotong’, binigyang ultimatum
MANILA, Philippines - ‘Binibigyan ko sila ng hanggang bukas para sumuko.’
Ito ang ultimatum ni Manila Police District (MPD) Director, Chief Supt. Rolando Asuncion laban sa walong pulis ng MPD-Anti-Carnapping and Hijacking Unit upang sumuko matapos na masangkot sa pangongotong sa isang Pakistani national noong Setyembre 19.
Ayon kay Asuncion, binibigyan niya ng pagkakataon ang mga pulis upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili matapos na positibong ituro ng negosyanteng si Kamran Khan Dawood, 39, ng Platinum 2000 Annapolis St. San Juan City.
Kahapon ay kinasuhan na ng robbery extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Manila Prosecutors Office sina P/Sr. Insp. Rommel Geneblazo, SPO1 Michael Dingding, SPO1 Gerry Rivera, SPO1 Jay-An Pertubos, SPO1 Jonathan Moreno, PO2 Renato Ochinang at PO2 Marvin de la Cruz.
Sakali aniyang walang lumutang na pulis hanggang bukas ay mapipilitan siyang maglabas ng manhunt laban sa mga ito. Base sa report ni Chief Insp. Arsenio Riparip,hepe ng MPD-General Assignment Investigation Section kasabay umano ng paghahain ng kasong criminal sa Manila Prosecutor Office haharapin pa rin ng mga pulis ang kasong administratibo.
Kinumpirma rin ni Asuncion na mayroon pang naunang mga operasyon ang grupo ni Geneblazo subalit pinili na lamang ng mga biktima na manahimik dahil sa takot.
Hinuli ng mga pulis si Dawood noong Biyernes ng alas 1 pasado sa harap ng Manila Pavillon sa Ermita, Maynila dahil sa umano’y pagbebenta ng mga carnap na sasakyan na kinabibilangan ng tatlong Toyota Camry at isang Mazda 523.
Sa kabila ng pagbibigay ng P100,000 mula sa P300,000 na usapan hindi pa rin nirelease ng mga pulis ang kulay itim na Toyota Camry na may plakang XPN-274 ng biktima.
- Latest