‘Last mile truck route program’, ’di na papalawigin
MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang linggong pagpapatupad ng ‘last mile truck route program’ hindi na ito palalawigin pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ang kinumpirma kahapon ni MMDA Chairman Francis Tolentino, gayunman tuluy-tuloy pa rin umano ang operasyon ng Task Force Pantalan. Kumbinsido naman si MMDA Assistant General Manager Emerson Carlos, na nakatulong ang programa sa problema sa port congestion.
Nabatid na ipinatupad ng MMDA ang naturang programa upang makatulong sa pag-decongest sa Manila Port.
Sa ilalim ng programa, pinagbigyan ang ilang truck na makabiyahe sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa kabila ng truck ban. Ito’y sa pamamagitan ng ikinabit na special sticker ng MMDA bilang clearance na sila’y maaaring bumiyahe 24/7 kahit sa loob ng truck ban hours basta’t mayroon itong mga kargamento.
Samantala, magpapatuloy naman ang operasyon ng binuong Task Force Pantalan na siyang namamahala at nagbabantay sa galaw ng trapik sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX).
- Latest