Sumisingaw na mga imburnal sa Pasay, inireklamo
MANILA, Philippines - Hindi na matiis ng mga pulis at ng mga kagawad ng Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP) sa Pasay City Jail kasabay ng pangambang kumalat ang sakit ang umano’y nakakasulasok na amoy buhat sa sumisingaw na baradong drainage.
Ayon sa mga pulis na nakatalaga sa Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, hindi na nila matiis ang amoy sa paligid ng Pasay City Police at Pasay City Jail, na nasa likuran lamang ng Pasay City Hall Office dahil sa mga nakabukas na drainage o imburnal.
Nabatid na mahigit 15 taon na umanong problema ang mga baradong drainage sa lungsod kabilang ang naturang lugar, na hanggang sa ngayon ay hindi pa nasosolusyunan.
Bukod pa rito, sa tuwing bumubuhos ang malakas na ulan ay umaapaw ang dumi ng tao at lubog sa maruming tubig-baha ang tanggapan ng Pasay City Police at ang Pasay City Jail.
Hindi lamang mga kapulisan at jail guard ang nakakaranas ng ganitong problema, maging ang mga reporter, dahil mismo sa Press Office nito ay malapit ang imburnal kaya’t ilang mamamahayag ang nakakaranas ng sakit dahil sa hindi masikmura ang napakabahong amoy.
Kaagad namang ipinagbigay-alam sa tanggapan ni Pasay City Mayor Antonino “Tony” Calixto ang matagal na umanong reklamo. Nang malaman ito ng naturang alkalde ay agad naman nitong inatasan si Engineer Renato Sanchez na gawan ng solusyon ang naturang reklamo.
- Latest