Obrero tumalon mula 3rd floor ng mall, lasog
MANILA, Philippines - Patay ang isang construction worker matapos umano itong tumalon sa isang shopping mall habang tinatakasan ang guwardyang tumutugis sa kanya sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Amelito Ruaya, stay-in bilang construction worker sa EEI Project na matatagpuan sa Filinvest, Brgy. Alabang Muntinlupa City matapos mabagok ang ulo .
Base sa pagsisiyasat ni PO3 Reynaldo Par, ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMB), Muntinlupa City Police, alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa ikatlong palapag ng isang mall sa National Road, Brgy. Alabang ng nasabing lungsod.
Base sa pahayag ng testigong si John Joseph Denuevo, 31, isa ring construction worker, nag-iinuman sila ng biktima sa All-Day convenience store sa naturang shopping mall nang makaramdam na ng pagkahilo at pagkalasing ang biktima ay hina-harass na umano nito ang mga empleyado ng nasabing convenience store.
Kung kaya’t nagsumbong ang isang empleyado sa isang guwardya ng mall.
Pagdating ng guwardya ay wala na ang biktima na mabilis palang umakyat sa ikatlong palapag ng mall at tumalon hanggang sa bumagsak sa ground floor kung saan napuruhan ang ulo.
Agad namang isinugod ni Denuevo ang kanyang kasamahan sa nasabing pagamutan, subalit hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng matinding pagkakabagok ng ulo nito sa semento. (Lordeth Bonilla)
- Latest