Caloocan, Malabon, Valenzuela nalubog din sa baha
MANILA, Philippines - Lumubog din sa baha ang area ng Caloocan, Malabon at Valenzuela City dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng bagyong Mario kahapon.
Sa Caloocan ay umabot sa 1,550 mga pamilya mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ang dinala na sa mga evacuation center habang ang iba sa mga ito ay kusang nilisan ang kanilang bahay dahil sa pangambang pag-apaw ng Tullahan River sa North, ayon kay Mayor Oca Malapitan.
Hindi rin madaanan ang mga pangunahing kalsada dahil sa mataas na tubig baha ang kahabaan ng Rizal Ext., at sa kahabaan Samson Road sa Sangandaan at sa pagitan ng Letre Road, Malabon at Caloocan.
Umabot naman sa 533 pamilya o 2,200 individuals ang dinala na sa mga evacuation centers sa lahat ng mga barangay na sakop ng Malabon City dahil sa mataas na tubig baha, ayon kay Mayor Lenlen Oreta.
Sa Valenzuela City, mahigit sa 500 mga pamilya ang dinala na rin sa iba’t ibang mga evacuation centers na nagmula rin sa mga barangay na apektado ng mataas na pagbaha, ayon naman kay Mayor Rex Gatchalian.
Umabot na rin hanggang dibdib ang tubig sa kahabaan ng Mac Arthur Highway, sakop ng Brgy., Marulas ng nasabing lungsod kaya’t wala na rin mga sasakyan ang makakadaan sa naturang lugar.
Iba naman sa Navotas City, dahil kahit sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan ay walang mga residenteng inilikas sa mga evacuation dahil hindi naman tumaas ang tubig baha sa naturang lungsod.
Ito ay bunga ng gumaganang 39 mga pumping station ng lungsod na ipinatayo ng magkapatid na Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco.
- Latest