2 pulis-Maynila, kinasuhan ng kotong
MANILA, Philippines - Pormal nang ipinagharap ng kasong robbery extortion sa Manila Prosecutor’s Office ang dalawang tauhan ng Hermosa Police Community Precinct ng Manila Police District-station 7 matapos positibong ituro ng apat na jeepney driver na tumangay ng kanilang kita at boundary nang sila ay abutan sa aktong naglalaro ng pusoy sa Tondo, Maynila, noong Setyembre 15.
Kinilala ni MPD-General Assignment and Investigation Section chief, Senior Inspector Arsenio Riparip, ang mga inireklamong sina PO3 Luisito Dionisio at PO2 Joselito Saygo, pawang nakatalaga sa PS-7 ng MPD.
Personal na humarap ang mga complainant na sina Eric Castillo, 39, operator at may-ari ng IG-M Transport; Leopoldo Ganab, 45, jeepney driver; Noriel Castañeda, 46, driver; at Loth-loth Pilasol, 47, driver at pawang stay-in sa Abad Santos, Tondo, Manila nang ipatawag sila sa harap ng mga inaakusahang pulis.
Tatlo umano ang mga suspek na pulis, subalit dalawa lamang ang lumutang. Sila umano ang pumasok sa loob ng GM Transport Compund, noong alas-11:20 ng gabi ng Setyembre 15 at sinita ang mga naglalaro ng pusoy.
Kinapkapan sila kung saan nakuha ang P3,000 sa bulsa ni Castillo; P750 ni Ganab; P350 ni Castañeda; at P800 ni Pilasol at nilisan ang nasabing compound.
Nang magpasiya na dumulog sa Hermosa PCP ay nakita nila doon ang mga suspek kaya sa MPD-GAIS na lamang itinuloy ang reklamo.
- Latest