Valenzuela City Jail, no. 1 sa buong bansa
MANILA, Philippines - Kinilala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang’City Jail of the Year’ ngayong 2014 ang Valenzuela City Jail (VCJ) na nabigyan rin ng human rights certification.
Sa memorandum na ipinadala ng Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE) Committee ng BJMP, kinilala sa kauna-unahang pagkakataon ang VCJ bilang nangungunang city jail sa buong bansa.
Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Mayor Rex Gatchalian ang paggawad sa VCJ ng sertipikasyon buhat sa Commission on Human Rights (CHR) makaraang maabot ang 46 sa 53 Minimum Rules sa pagtrato sa mga bilanggo base sa pamantayan ng United Nations.
Kabilang dito ang: Registration sa mga bilanggo; paghiwalay base sa edad, kasarian, at uri ng kaso; personal na kalinisan; pananamit at higaan; pagkain, ehersisyo, serbisyong medical, disiplina at pagpaparusa; “instrument of restraint”; kontak sa labas; libro; relihiyon; notipikasyon sa oras ng sakit o pagkamatay at paglilipat; kakayahan ng mga jail personnel at inspeksyon sa mga pasilidad.
Isa rin ang VCJ sa pinakamaluluwag na bilangguan. Sa pagbisita ng CHR noong Hunyo, nasa 619 lamang ang populasyon ng mga bilanggo na may kabuuang kapasidad hanggang 1,500. Ang female dormitory na may kapasidad na 80 katao ay may 61 bilanggo lamang.
Malaking puntos din umano ang pagkakaroon ng resident nurse sa bilangguan at palagiang pagbisita ng doctor buhat sa City Health Department para sa “medical check-up” sa mga bilanggo kabilang na ang pagmonitor sa mga buntis.
- Latest