‘Gapos gang’ sumalakay, pamilyang Tsinoy biniktima
MANILA, Philippines - Nabiktima ng tinaguriang ‘Gapos gang robbery group’ ang isang pamilyang Tsinoy na natangayan ng malaking halaga ng salapi at alahas sa Valenzuela City, kamakailan.
Sa naantalang ulat ng Valenzuela City Police, nakilala ang mga biktima na sina Senga Alfredo Lee, isang sales executive; kanyang misis na si Maria Theresa; dalawa nilang anak na may edad 13 at 15-anyos, at dalawang kasambahay.
Nabatid na paalis na sa kanilang bahay sa Brgy. Marulas, ang pamilya Lee upang pumasok sa trabaho at paaralan lulan ng kanilang Toyota Fortuner dakong alas-7 ng umaga nang harangin ng apat na armadong lalaki at inutusan silang bumaba sa sasakyan.
Dinala ng mga suspek ang mga pamilya Lee at dalawang kasambahay sa master’s bedroom at doon itinali ang paa at kamay gamit ang electrical cords. Dito hinalughog ng mga magnanakaw ang buong kabahayan at tinangay ang mga pera, alahas, bank passbooks, ATM cards, at iba pang importanteng dokumento.
Mabilis na nakatakas ang mga salarin lulan ng hindi mabatid na uri ng behikulo. Nagawa namang makaalpas sa pagkakagapos ang mga biktima ngunit umabot pa umano ng tatlong oras bago nila naisuplong sa Valenzuela City Police ang insidente.
- Latest