Stude, sugatan sa ligaw na bala
MANILA, Philippines – Isang 14-anyos na estudyante ang sugatan sa ligaw na bala na para sana sa isang lalaki sa Binondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Ginagamot ngayon sa Tondo Medical Center ang biktimang si Caroline Jane dela Cruz, ng Rivera St., Tondo sanhi ng tama ng bala sa kanyang kanang hita.
Sa report ni Supt. Jose Villanueva, Station Commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong ala-1:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng J. Planas at Kagandahan Sts., Tondo, Manila.
Naglalakad ang biktima sa nasabing lugar patungo sa tinitirhang bahay nang isang lalaki ang tumatakbong dumaan hanggang sa nakarinig na lamang siya ng sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa napansin na may dugong umaagos sa kanyang kanang hita dahilan upang dalhin siya sa ospital.
Inaalam pa ng pulisya kung sino ang nagpaputok na hinalang may humahabol sa lalaking dumaan sa kanyang harapan at siya ang pakay dito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
- Latest