4 Chinese sa P7-B shabu isinalang sa inquest proceedings
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) ang apat na Chinese national na naaresto kaugnay sa nasamsam na kilu-kilong iligal na droga o katumbas na halagang P7-bilyon sa San Fernando, Pampanga nitong nakalipas na Biyernes (Setyembre 12).
Ang mga suspek ay kinilalang sina Jason Lee, Willy Yap, Neri Tan at Ying Hiang alyas Sophia Lee na mula sa Xiamen at Fujian, China ay dinala sa DOJ kasama ang isang abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO).
Sila ay sumalang sa pagdinig na isinagawa ni Asst. State Prosecutor Michael Vito Cruz para sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ang mga dayuhan ay naaresto kasunod ng isinagawang pagsalakay ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force sa dalawang warehouse sa Richtown at Greenville Subdivision sa Pampanga.
Aabot umano sa mahigit 400 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawang pagsalakay na isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78.
- Latest