No. 9 most wanted ng MPD timbog
MANILA, Philippines – Nadakip na ng Manila Police District (MPD) ang No. 9 ‘most wanted’ sa isinagawang “Oplan Salikop” ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU sa Pedro Gil, Maynila, nitong Bi yernes ng gabi.
Kinilala ang naaresto na si Edwin Pore alyas “Utak”, residente ng #1230 Int. 18, Masigasig St., Kahilum II, Pandacan, Maynila, na isa umanong notoryus na holdaper.
Natiyempuhan si Pore na kumakain sa Herran Lugawan sa panulukan ng Pedro Gil, sa Paco, Maynila ng mga operatiba ng CIDU na kinabibilangan nina SPO4 Rosauro Almonte, SPO3 Roberto Chua, SPO2 Robert Cariño, SPO1 Jerry Hernandez, at PO3 Roy Dimaano.
Bitbit ng mga tauhan ng CIDU ang warrant of arrest na inisyu ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 29 Judge Roberto Quiros.
Pinaniniwalaang patuloy lamang sa iligal na gawain ang suspek dahil nakumpiskahan pa ito ng isang kalibre .38 na pistola mula sa kaniyang beywang.
Pinakahuling biktima sa panghoholdap ng suspek ay isang Bernadette Careo, ng Hollywood St., Sta. Ana, Maynila noong Setyembre 2, 2014, sa panulukan ng Carreon at Amparo sts., sa Sta. Ana, na natangayan ng wallet at singsing na silver.
- Latest