Police captain sa ‘EDSA incident’, sumuko
MANILA, Philippines - Isa pang opisyal ng pulisya na nadadawit sa kaso ng ‘kidnap-hulidap’ sa EDSA ang sumuko kahapon sa tanggapan ni Quezon City Police District Director Police Supt. Richard Albano ilang araw mula nang lumutang ang mga pangalan nito sa nasabing isyu na naganap sa EDSA-Mandaluyong City.
Ayon kay Albano si Senior Insp. Allan Emlano ng Northern Police District ay kusang dumulog sa tanggapan ng La loma Police Station 1 para sa kanyang pagsuko at linisin ang kanyang pangalan hinggil sa kaso ng hulidap. Si Emlano ay nakatakdang iturn-over nila sa EPD na siyang humahawak sa insidenteng naganap sa EDSA. Ayon kay Emlano, wala anya siyang nalalaman sa pangyayari at ikinagulat niya ang pagkakadawit sa kanyang pangalan ni PO2 Jonathan Rodriguez, na unang nadakip.
“Hindi ko po siya kilala (PO2 Rodriguez) kaya nagtataka ako kung bakit isinasama niya ako sa pangyayari, hindi naman po ako naka-assign sa QC police station,” sabi ni Emlano.
Gayunman, inamin ni Emlano na kaklase niya sa PNPA ang ilang pulis na kasangkot, partikular si Chief Insp. Joseph De Verra, subalit hindi na umano sila nagkikita ng mga ito. Dagdag nito, nang maganap anya ang nasabing insidente ay nag-aayos umano siya ng kanyang mga dokumento tungkol sa kanyang AWOL status (absent without leave) sa lungsod ng Caloocan.
Patuloy pa ring hinahanap sina Sr. Insp. Marco Polo Estrera (dismissed), Sr. Insp. Oliver Villanueva, SPO1 Ramil Hachero, PO2 Weben Masa, PO2 Mark De Paz, PO2 Jerome Datinguinoo at PO2 Ebonn Decatoria.
- Latest