Walang one-truck lane at re-routing sa Caloocan – MMDA
MANILA, Philippines – Walang ipinatutupad na “one-truck lane policy” at “traffic re-routing scheme” sa mga kalsada sa Caloocan City na unang itinuro na isa sa sanhi ng terror traffic noong Biyernes.
Sinabi ni MMDA Assistant General Manager for Operations Atty. Emerson Carlos na wala talagang one-truck lane policy ang Caloocan City ngunit dalawang lanes ang nagagamit ng mga trak sa C3 habang ang isang lane ay ibinigay naman para madaanan ng mga pribadong motorista.
Wala ring traffic re-routing dahil sa putol talaga ang kalsada ng C3 Extension kaya pinaiikot ang mga delivery truck na patungong Maynila sa 7th Avenue na tatagos sa Baltazar St. na madaraanan lamang ng tig-iisang trak.
Nilinaw naman ni Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management chief Larry Castro na halos dalawang dekada nang putol ang kalsada ng C3 dahil sa kasong nakabinbin na isinampa ng mga may-ari ng pribadong lupa na sinakop ng kalsada laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nasa Korte Suprema na ang kaso at umaasa na matatapos sa lalong madaling panahon upang maituloy ang C3 Extension at makatulong sa pag-unlad.
Samantala, uumpisahan nang ipatupad ng MMDA ang “Last Mile policy” ngayong Lunes hanggang Setyembre 22. Ang mga delivery truck na nagtrabaho lamang noong Sabado, Linggo at Lunes ng umaga ang malalagyan ng tag ng MMDA upang makaraan ng 24-oras sa mga kalsada na labas sa “truck lanes” at makadiretso sa mga bodega.
- Latest