Australian national, 2 pa huli sa cybersex crime
MANILA, Philippines - Naisalba ng mga awtoridad sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na menor-de-edad na kinabibilangan ng dalawang babae at dalawang lalaki mula sa isang cybersex den kung saan naaktuhan ang pag-a-upload ng isang 65-anyos na Australian national ng malalaswang video sa isang website sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Inaresto ang suspek na kinilalang si Ronald Ian Cole habang kasamang dinakip din ang live-in partner nitong Pinay na si Julyza Batucan at ang kasambahay na si Amelyn Sayawan, na sinasabing ina ng 3 menor-de-edad na ginagamit sa cybersex video.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktimang hindi inilantad ang pagkilanlan, na pawang nagkaka-edad ng 8 hanggang sa 16.
Ayon kay NBI-National Capital Region (NCR) director, Atty. Elfren Meneses, patuloy pa nilang binubusisi kung ang mga sex video na nakumpiska ay ginagamit lamang ng suspek sa pansariling kasiyahan o ibinebenta sa ilang pornographic website.
Mahaharap ang tatlong suspek sa kasong qualified child trafficking, child abuse at multiple rape.
Kamakalawa ng gabi nang isagawa ang pagsalakay sa mismong bahay ng mag-live-in, kung saan naabutan pa nila ang ginagawa ni Cole na pag-a-upload ng mga malalaswang video ng mga paslit na biktima.
Pinapa-pose umano ang mga bata ng nakahubo’t hubad habang gumagawa ng malalaswang gawain at ibini-video ito bago i-upload sa computer.
Nabatid na ang suspek na si Sayawan ay katulong o kasambahay ng magka-live-in at ito umano ay nagsisilbing bugaw sa kanyang tatlong anak na ginagamit din sa sex video ni Cole.
- Latest