North Interim Bus Terminal, bubuksan ngayong Setyembre
MANILA, Philippines - Matapos ang South Interim Provincial Bus Terminal sa Alabang, inaasahang mabubuksan naman ngayong buwan ng Setyembre ang North terminal sa Caloocan City upang mabawasan ang mga pampublikong bus na dumaraan sa EDSA.
Nabatid na nagpulong na sina Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, kasama sina Malabon Mayor Antolin Oreta, Mayor John Rey Tiangco ng Navotas, Land Transportation Franchising and Regulatory Board chairman Winston Ginez at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino at nagkasundo sa pagtatayo ng bus terminal para sa mga pamprobinsyang bus buhat sa Norte.
Sinabi ni Mayor Malapitan na itatayo ang interim bus terminal sa isang ektaryang lupain sa gilid ng southbound lane ng EDSA sa may Monumento. Ngunit marami pang aayusin sa naturang lupain na kasalukuyang matubig, kangkungan at walang anumang istruktura.
Sa oras na maitayo at mag-operate, nasa 376 provincial bus buhat sa Pangasinan, Tarlac, at iba pang lalawigan sa Hilagang Luzon ang maaaring pumarada sa naturang terminal at hindi na pumasok ng EDSA.
Nagkasundo ang lokal na pamahalaan ng Caloocan, Malabon, Navotas, MMDA at LTFRB na magtulong-tulong para sa pagtatayo ng establisimento at pagpapatakbo nito habang magdaragdag ng traffic enforcer ang MMDA.
Pinaka-ideal umano ang naturang lugar dahil sa pagbaba ng mga pasahero buhat sa probinsya ay may masasakyan na agad na metro buses sa EDSA, pampublikong jeep sa lugar habang hindi naman kalayuan ang Light Rail Transit Line 1 Monumento terminal.
Matatandaan na unang binuksan ng MMDA, LTFRB katuwang ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang South Interim Provincial Terminal sa Filinvest, Alabang na ipinasasara naman ni Albay Governor Joey Salceda sa Korte Suprema.
- Latest