Aberya na naman sa MRT!
MANILA, Philippines - Halos araw-araw nang dumaranas ng aberya ang Metro Rail Transit (MRT-3) matapos ang panibagong problema kahapon ng hapon nang tumirik muli ang isang tren nito sa istasyon sa Makati City.
Ayon kay MRT3 Spokesman Atty. Hernando Cabrera, pasado ala-1:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa Magallanes Station.
Tumagal lamang naman aniya ng 10 minuto ang aberya at kaagad ding naibalik sa normal ang operasyon ng MRT-3.
Ito na ang ikalawang aberya na naganap sa MRT-3 ngayong linggong ito. Matatandaang nitong alas-4:30 ng Lunes ng hapon ay dumanas din ng aberya ang biyahe ng MRT-3 matapos na magkaroon ng problema sa signaling system nito.
Dahil sa aberya ay pansamantalang nahinto ang biyahe ng tren sa magkabilang linya.
Sinabi ni Cabrera, agad namang isinaayos ng kanilang mga tauhan ang calibration ng mga pumalyang signaling system at ganap na alas-5:00 ng hapon ay muling nanumbalik sa normal ang operasyon ng MRT.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa North Avenue sa Quezon City at sa Taft Avenue sa Pasay City.
- Latest