Destabilisasyon sinisilip na motibo; 3 sa nabigong NAIA car bomb attack, kinasuhan
MANILA, Philippines - Destabilisasyon ang isa sa mga dahilang nakikita kaugnay nang napigilang car bomb attack sa parking area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3, kamakalawa.
Sa press conference sa National Bureau of Investigation (NBI), tinukoy ni Justice Sec. Leila De Lima ang grupo na “USAFFE” na pinamumunuan ng nagpakilalang self-proclaimed general na si Grandeur Guerrero at mga kasamahan na sina Emmanuel San Pedro at Sonny Diojanan.
Ang tatlo ay nahaharap sa patung-patong na kaso kabilang na ang illegal possession of firearms and explosives.
Pag-aaralan din kung sasampahan sila ng conspiracy to commit terrorism. Ayon kay De Lima, isinagawa umano ng grupo ang balak na pag-atake dahil dismayado sila sa paninindigan ng pamahalaang Aquino laban sa China na anila’y malambot sa usapin ng West Philippine Sea issue.
Ang grupo ay sinasabing “defenders of the Filipino people.”
Batay sa dokumento na narekober ng NBI, hindi lang daw NAIA 3 ang balak atakihin ng grupo kundi maging ang isang mall, embahada at ilan pang malalaking establisimento
Pinagplanuhan din ng grupo ang pag-atake noong Agosto 25, National Heroes Day, ngunit nabigo ito kung kaya’t isasagawa sana noong Lunes na naagapan naman ng NBI.
Mayroon pa umanong manifesto ang grupo na balak sanang babasahin kung nagtagumpay ang kanilang paglunsad ng pag-atake.
Kahapon ay sinampahan na ng kasong illegal possession of explosives ang tatlong naaresto at pinag-aaralan ang kasong conspiracy to commit terrorism.
Nabatid na apat na sets ng improvised incendiary device (IID) ang narekober ng mga awtoridad na ayon kay De Lima ay magdudulot ito ng biglaang sunog sa pinaglagyang sasakyan at maaaring sumabog ng malakas.
Kaugnay nito, sinabi naman ni NBI Director Virgilio Mendez na maliban sa mga nadakip na suspek, aalamin pa rin ng NBI kung may ibang personalidad na sangkot sa tangkang pagpapasabog.
Inihayag daw ng isang suspek na ‘wake-up call’ ang kanilang ginawa para palakasin ang claim sa pinagtatalunang mga teritoryo sa China.
Sa ngayon, balik-normal na ang operasyon sa NAIA at hinigpitan ang seguridad ng Aviation Security Group.
- Latest