Masahista inutas ng kapwa masahista
MANILA, Philippines - Utas ang isang 56- anyos na masahista sa gilid ng Manila Bay nang hatawin sa mukha ng dos-por-dos ng kapwa masahista sa hinalang inggitan at agawan sa kliyente, sa Roxas Blvd., Ermita, Maynila.
Nagtamo ng malaking pasa sa mukha at pinaniniwalaang napinsala ang utak ng biktimang si Loberico Llaver, ng San Lorenzo St., Malate, na binawian ng buhay habang inoobserbahan sa Ospital ng Maynila (OSMA).
Tumakas ang lasing na suspek na kinilalang si Renato Castro, 45 , ng Camachille St., Brgy. 746, sa Malate, Manila.
Sa ulat ni PO3 Michael Maraggun ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:45 ng madaling- araw nang maganap ang nasabing insidente sa Baywalk sa panulukan ng Roxas Blvd. at Pedro Gil sa Ermita.
Lasing na lasing umano ang suspek at nagsisigaw ito na “Lumayas kayo dito, teritoryo ko ito.
Nang makitang natutulog ang biktima ay bigla na lamang hinataw ito sa mukha ng hawak na dos-por-dos. Nang hindi na gumagalaw ay nagtatakbo na ang suspek at tumakas.
Magkaklase pa umano ang dalawa sa formal training ng pagmamasahe sa Manpower Development Center na kapwa nagtapos nitong nakaraang Hulyo.
- Latest