No. 3 most wanted, utas sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang isang itinuturing na number 3 most wanted criminal at lider ng grupong dawit sa panghoholdap, droga at pagpaslang matapos itong makipagbarilan sa mga pulis habang naaresto naman ang apat na miyembro nito kabilang ang kanyang mga magulang, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang suspect na si Jeric de Asis, 23, binata, ng Interior, Tramo St., sa Taft Avenue, Brgy. 64 ng naturang lungsod.
Nakapiit naman sa Pasay City Police detention cell ang mga itinuturing na mga tauhan nito kabilang ang kanyang mga magulang na sina Reynaldo de Asis, 53, may nakabinbing warrant of arrest sa probinsiya sa kasong robbery with homicide; ang kanyang ina na si Susana De Asis, 52; Mark Louie Mendoza, 26, tricycle driver at Gierall Gaytos Reyes, 29.
Naganap ang insidente alas-6:00 ng umaga sa Interior Tramo St., malapit sa Taft Avenue, Brgy. 64, Pasay City matapos ang ginawang pagsalakay sa lungga ng mga suspect ng Pasay City Police. Nabatid na isisilbi ng mga pulis kay Jeric ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Raquilyn Abari-Vasquez, ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 65.
Napag-alaman na nang aarestuhin si Jeric ay nanlaban ito sa mga pulis hanggang sa magkaroon nang pagpapalitan ng putok kung saan nasawi ang una at pagkadakip sa apat pang suspek. Nakumpiska sa mga suspek ang iba’t ibang kalibre ng baril at labing isang sachet ng shabu.
Base sa rekord ng Pasay City Police ang nasawing suspek ay itinuturing na number 3 sa most wanted criminal sa naturang lungsod.
- Latest