Nawawalang anak, sa morgue na nakita
MANILA, Philippines - Sa morgue na nagtapos ang paghahanap ng isang ina sa kanyang nawawalang anak makaraang maging biktima ito ng summary execution sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Positibong kinilala ni Clarita Villanueva, 47, ng Torcillo Street, Dagat-Dagatan, Caloocan City ang kanyang anak na si Jeffrey Villanueva, 30.
Sa ulat, lumalabas na dakong alas-11:30 ng gabi noong Agosto 21 nang ibaba sa isang sasakyan at barilin ng mga hindi nakilalang salarin si Villanueva sa bahagi ng Road 10, Brgy. North Bay Boulevard North, Navotas.
Sinabi naman ni Aling Clarita na mahigit isang linggo na niyang hinahanap ang nawawalang anak hanggang sa mabalitaan ang pagkakatagpo sa isang sinalvage na kahawig ng kanyang anak ang pagkakalarawan.
Sinamahan naman ng mga pulis ang ina sa pinagdalhang punerarya sa biktimang si Jeffrey at nakumpirma na ito nga ang kanyang anak.
Blangko pa rin naman ang mga imbestigador sa motibo ng pagpaslang at pagkakakilanlan sa mga salarin.
- Latest