2 patay, 3 sugatan sa pamamaril sa QC
MANILA, Philippines - Dalawa ang patay, habang tatlo pa ang sugatan makaraang paulanan sila ng bala ng apat na armadong kalalakihan sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO1 Erick Isidro, may-hawak ng kaso, nakilala ang mga nasawi na sina Derwin Deloso, 25, construction worker; at Rondy Solano, 23, binata, garbage collector, kapwa residente ng Lupang Pangako Payatas B, sa lungsod.
Habang ang mga sugatan naman ay sina Herma Rabago, 30; Jessie Boy Aboylo, 23; at Herbert Aboylo, 25; pawang mga nakaratay ngayon sa FEU Hospital.
Sabi ni Isidro, apat na armadong kalalakihan ang itinuturong responsable sa nasabing kirmen na nangyari sa harap ng isang bahay sa Phase 1, Block 13, Lot 1, Lupang Pangako, Payatas, ganap na alas-7:30 ng gabi.
Kuwento ng isang testigo, nakatayo siya sa tabi ng mga biktimang sina Deloso at Solano na noon ay nakaupo at nagkukuwentuhan nang biglang dumating ang apat na suspek na armado ng baril at pinagbabaril ang dalawa.
Matapos ang pamamaril, ay nagmura pa ang mga suspek at sinabing “mga holdaper kayo”. Bago pa tuluyang tumakas ang mga ito ay walang habas na nagpaputok pa ng kanilang mga armas ang mga suspek sa iba’t ibang direksyon sanhi para tamaan sina Herma, Jessie Boy at Herbert.
Patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat sa insidente.
- Latest