4 timbog sa bentahan ng Cytotec
MANILA, Philippines - Arestado ang apat katao nang mahuli sa aktong nagbebenta ng Cytotec o gamot pampalaglag sa magkakasunod na pagpapatrolya noong nakaraang linggo ng mga tauhan ng Manila Police District- Plaza Miranda PCP sa Quiapo, Maynila.
Batay sa report ni Plaza Miranda-PCP commander P/Insp. Rommel Anicete kay Supt. Aldrine Gran, hepe ng MPD Station 3, nakilala ang mga dinakip na sina Anthony Cruz, 31, Jomar Lacsa, 29, kapwa residente ng #919 Quezon Blvd, Quiapo Manila; Julieta Rondario, 32, ng #24 Oscaris St. Quiapo, Manila at Lolita Marinas, 53, ng #24 Basan St. Quiapo at sinasabing miyembro ng kilabot na Sputnik Gang.
Ayon kay Anicete, ang apat na suspek at nakuhanan ng tig apat na tablet ng Cytotec matapos na makipagtransaksiyon sa kanilang mga customers.
Nabatid na tinangka pa ng suspek na si Rondario na tumakas kung kaya hinabol pa ito ng mga nagrorondang sina PO2 Regan Arellano at PO1 Reynaldo Fortaliza hanggang sa masukol.
Paliwanag ni Anicete, binalaan na nila ang mga vendor ng Cytotec na tigilan na ang bentahan nito lalo na sa paligid ng Quiapo church. Tiniyak naman ni Anicete na hindi naman sila titigil sa pagpapatrolya hanggang sa matukoy ang supplier ng mga vendor.
- Latest