COA report Walang ghost employees sa Taguig
MANILA, Philippines - Kabaligtaran sa alegasyon na may ghost employees ang Taguig, nakasaad sa Commission on Audit (COA) report na ang mga kawaning ito ay matatagpuan at nagre-report sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Ito ang iginiit kahapon ni Taguig City Councilor Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ni Taguig Mayor Lani Cayetano upang ituwid ang mga alegasyon tungkol sa mahigit 3,188 job order personnel ng lungsod noong 2012.
Aniya, maging ang Commission on Audit (COA) ay pinasisinungalingan ang mga alegasyon lalo’t sa isinagawang pagberipika ay natuklasang nasa sa iba’t ibang tanggapan ang mga kawaning tinutukoy.
Gumagamit ang mga ito ng bio-metric machine o di kaya ay manual time record sa kanilang daily attendance na siyang naging batayan ng kanilang mga sweldo.
Itinuturing ni Icay ang mga reklamong isinampa sa Ombudsman na isang istratehiya para ilihis ang atensyon ng publiko sa iniimbestigahang P2 billion Makati parking building.
Kataka-takang isinabay ang pagsasampa ng mga reklamo sa araw kung kailan isinagawa ang senate investigation.
Sinabi ni Icay na sina Atty. Rod Vera at Fhilip Sawali ay parehong kaklase sa law school ni Makati Rep. Abby Binay na ginamit din ng mga Binay laban kay DILG Sec. Mar Roxas.
Sa COA report sinasabing ang ginawang batayan ng Taguig City Government sa pagkuha ng 3,188 job order personnel ay ang kakapusan sa bilang ng mga kawani na pinatunayan sa isinagawang audit noong 2007.
Kinulang ng mga permanenteng manggagawa ang pamahalaang lungsod nang tumaas ang bilang ng transaksyon nito nang maging highly-urbanized city ang Taguig.
Isa sa maraming parangal na natanggap ng lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lani ay ang Most Business-friendly city sa Metro Manila mula sa World Bank at nasa top 10 naman sa buong Pilipinas.
- Latest