Mag-ama ginulpi ng Iranian
MANILA, Philippines - Isang security officer ng Manila City Hall at anak nitong 16-anyos na estudyante ng Unibersidad de Manila (UDM) ang bugbog-sarado sa isang Iranian national nang mapagkamalan ang mag-ama na humoldap sa huli sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Humarap sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section ang menor de edad , residente ng Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan, na itinago sa pangalang Jun-jun, sa kabila ng mga pasa at bugbog nito sa katawan at mukha upang ireklamo ang suspek na kinilalang si Seyed Razi Madjid Jabbari, 30, nanunuluyan sa Bambang Sta. Cruz, Manila.
Kasalukuyan pang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang ama nitong si Elizalde Villanueva, 43, City Security Force (CSF) ng Manila City Hall sanhi ng tinamong malaking sugat sa ulo at mga pasa sa katawan.
Sa ulat ni SPO1 James Poso ng MPD-GAS, nagharap ng reklamo ang menor- de-edad subalit ipinagharap din sila ng kaniyang ama ng reklamo ng nasabing dayuhan.
Robbery ang reklamo ng Iranian dahil sa pagkawala umano ng kaniyang IPhone 4, cash na P35,000 at 2 ATM card, habang kasong serious physical injuries naman ang kasong kahaharapin nito sa reklamo ng mag-ama bukod pa sa paglabag sa Child Abuse Law, sa panggugulpi sa menor-de-edad.
Sa bersiyon ng binatilyo, dakong alas- 8:00 kamakalawa ng gabi, nang mag-aabang umano sila ng masasakyang jeep ng kaniyang ama sa Rizal Avenue northbound ng hindi umano sinasadyang mabangga ang maskuladong dayuhan at doon na nagsimulang bugbugin sila.
Natigil lamang ang pambubugbog nang rumesponde ang mga tauhan ni P/Sr.Insp. Romeo Rocini , Block Commander ng MPD-Alvarez Police Community Precinct at dinala sila sa MPD-GAS.
- Latest