Kapwa may taglay na sakit anak pinatay ng ina, bago nag-suicide
MANILA, Philippines - Pinatay muna sa saksak ang anak na dalaga bago nagsaksak din sa sarili ang isang 63-anyos na ina dahil umano sa kapwa tinataglay na karamdaman sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Arsenia Carabeo, biyuda, at anak na si Joanne Carabeo, 35, residente ng Oliveros Drive, Brgy. Apolonio Samson sa lungsod.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO3 Erickson Isidro, may-hawak ng kaso, ito umano ang pangalawang pagkakataong ginawa ng mag-ina ang pagpapakamatay kung saan unang pagtatangka ay noong January 1, 2014 na naagapan lamang, gayunman kahapon ay tuluyan na silang nagtagumpay.
Nangyari ang insidente ganap na alas-12:55 ng madaling-araw sa bahay ng mag-ina.
Ayon kay Lydia Malaho, kasambahay ng pamilya Carabeo, natutulog siya sa tabi ng mag-ina nang magising sa narinig na ungol ng mga ito.
Dito ay nakita umano ni Malaho ang matandang Carabeo na may hawak na patalim habang nakaupo sa may rocking chair, habang ang anak nito ay nakahiga at duguan.
Agad na tinawag ni Malaho ang kaanak ng mag-ina at isinugod nila ang mga ito sa Manila Central University Hospital para magamot, subalit ala-1:10 ng madaling-araw ay idineklara rin silang patay.
Sinasabing ang matandang Carabeo ay may sakit na cerebral palsy habang ang anak naman nito ay may Parkinson’s disease.
Sa occular inspection na ginawa sa crime scene narekober sa lugar ang isang kitchen knife na may habang 12 inches.
Lumitaw din sa eksaminasyon na si Arsenia ay nakitaan ng laceration sa leeg, habang ang anak naman nito ay may laslas sa leeg at tatlong saksak sa dibdib.
Samantala, isang liham ang nakita sa lugar kung saan nakasaad na “This is to let everybody know that no one should blame my household for what I am personally doing to my daughter Joan Carabeo and me and that twice I attempted to commit suicide. And that they are not liable in one way or another.”
- Latest