6 buwan extension sa paggamit ng Payatas landfill, giit ng QC
MANILA, Philippines - Hiniling ng Quezon City Government sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bigyan pa ang lokal na pamahalaan ng anim na buwang extension para magamit ang Payatas IPM landfill sa lungsod.
Ito ayon kay QC Environment Protection and Waste Management Department (EPWMD) head Frederika Rentoy ay upang mabigyang-daan ang pagsasagawa ng dry run sa Payatas IPM landfill at ang paglilipat sa lahat ng basura ng QC para dalhin sa disposal facility sa Rodriguez, Rizal.
Anya, halos 15 percent ng bawat fleet ang kinokontrata ng QC government para sa paglilipat ng basura ng lungsod papuntang disposal facility sa Rodriguez, Rizal.
Ang Environmental Clearance Certificate (ECC) na magmumula sa DENR ay inaasahan ng lokal na pamahalaan na maipalalabas ngayong buwan ng Agosto o sa Setyembre para ma-extend ng QC govt ang paggamit sa tambakan sa Payatas.
Sinabi rin ni Rentoy na nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para maayudahan ang lokal na pamahalaan na makakuha ng mas maraming hauler na kokolekta ng basura ng QC.
- Latest