Paparetirong bumbero, nagbaril sa sarili?
MANILA, Philippines - Inaalam pa kung nagpatiwakal o sadyang binaril ang isang 53-anyos na bumbero na natagpuang nakabulagta sa loob ng Manila Fire Bureau-San Lazaro Station sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Naisugod pa ng mga kasamahang bumbero sa kalapit na Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si SFO3 Raul Cortez, ng Calamba St., Sampaloc, Manila subalit idineklarang dead-on-arrival sanhi ng tinamong-isang tama-ng bala ng baril sa dibdib mula sa 22 magnum.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-8:00 ng umaga nang biglang nakarinig ang iba pang naka-duty na bumbero ng putok at nang tingnan ay nakitang nakahandusay si Cortez sa ground floor ng nasabing fire station.
Sa inisyal na pagsisiyasat, walang nakitang foul play at binubusisi kung ito ay nagbaril sa sarili sa hinalang problema umano nito ang matagal na promosyon para sa ranggong “SFO4” na hindi pa nakakamit sa kabila na malapit na itong magretiro.
- Latest