Miyembro ng ‘Commando’, itinumba
MANILA, Philippines - Isang miyembro ng ‘Commando gang’ ang pinagbabaril ng anim na kalalakihan hanggang sa mapatay sa kabila umano ng pagmamakaawa ng una sa mga huli sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PO2 Jogene Hernandez, ang biktima na ang tanging pagkakakilanlan ay ang kanyang tattoo na Commando sa kanang hita at “Robert” sa katawan ay nasa pagitan ng edad na 20-25, may taas na 5’5’’, may kapayatan, at nakasuot ng sando at short pants.
Ang mga suspek naman na lulan ng kani-kanilang mga motorsiklo agad na nagsipagtakas makaraan ang krimen.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Kalapati St., corner Sto Niño St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-3:05 ng madaling-araw.
Ayon sa isang saksi, bago ang insidente, ilang metro ang layo mula sa kanyang lugar, narinig na lang umano niya ang isang lalaki na nagmamakaawa sa ilang kalalakihan.
Matapos nito, ilang putok ng baril ang umalingawngaw mula dito, kasunod ang mga pagharurot ng limang mga motorsiklo hanggang sa makita niya ang biktima na duguang nakahandusay sa lugar.
Agad na ipinagbigay alam ng saksi ang insidente sa barangay na siya namang tumawag ng awtoridad para sa imbestigasyon.
Ayon naman sa barangay, tanging alyas Oca lamang ang pagkakilala nila sa biktima dahil bihira lamang itong umistambay sa kanilang lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest