Dyip umiwas sa ambulansiya nakadisgrasya: 3 sugatan
MANILA, Philippines - Tatlong katao kabilang ang isang 56-anyos na lola at isang mag-ina ang malubhang nasugatan makaraang araruhin ng isang pampasaherong dyip na nawalan ng kontrol dahil sa pagsulpot umano ng isang ambulansiya sa Taft Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina Lucy dela Pena, residente ng Sta. Ana, Manila na nagtamo ng malaking sugat sa mukha at galos sa katawan at ang mag-inang sina Roselyn Agapito at ang special child na anak na itinago sa pangalang Nene, kapwa residente ng Bayanan, Muntinlupa City. Ang tatlo ay pawang ginagamot ngayon sa PGH sanhi ng mga tinamong pinsala.
Tumakas naman ang driver ng pampasaherong dyip na biyaheng Blumentritt-Baclaran(NYD-675) na sumagasa sa mga biktima sa takot na makuyog ng taumbayan.
Sa ulat ni SPO1 Elizalde Obena ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit, dakong alas-10:10 ng umaga habang mabilis na tinatahak ng suspect na driver ang kanyang sasakyan patungong Baclaran nang bigla umanong sumulpot ang isang ambulansiya galing sa loob ng PGH.
Nabigla umano ang drayber kaya biglang nailiko ang dyip.
Nagawa pa umanong tapakan ang preno ng sasakyan subalit hindi umano gumana, ayon sa ilang saksi kung kaya niragasa nito ang tatlong biktima na noon ay tumatawid sa kalsada.
- Latest