Expressway Holiday hiling sa NLEx, SLEx
MANILA, Philippines - Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEx), South Luzon Expressway (SLEx) at iba pang expressway authorities na magpatupad ng ‘Expressway Holiday’ para sa mabilis na biyahe ng libu-libong sasakyan ng mga delegasyon sa darating na sentenaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Bulacan sa Linggo (Hulyo 27).
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ngayon pa lamang ay tinatayang nasa 10,000 buses at 2,400 Asian Utility Vehicles na maghahatid sa libu-libong delegado mula sa iba’t ibang panig ng bansa tungo sa Philippine Arena sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Importante na magpatupad ng “Expressway Holiday” ang mga expressway partikular na ang NLEx kung saan maglaan ng espesyal na lane para sa mga sasakyan ng INC habang ilaan ang Tabang Exit para lamang sa INC.
Malaking bahagi naman ng mga bayan sa Bulacan na kanugnog ng bagong tayong Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ang magiging parking area ng mga sasakyan.
Inaasahang pinakamalaking delegasyon ang mga magmumula sa National Capital Region subalit daragsa rin ang delegasyon buhat sa Region 1, Region 2, CAR, Region 3, Region 4, Region 5, at maging sa mas malalayong probinsya sa Visayas at Mindanao.
Umapela naman si Tolentino, ang naatasang mamuno sa Task Force Sentenaryo sa mga motorista na huwag na lamang ituloy ang kanilang lakad tungo sa Norte sa Hulyo 26 hanggang 28 upang maiwasan na maipit sa inaasahang matinding pagbubuhol ng trapiko hindi lang sa NLEx maging sa MacArthur Highway.
Umaapela rin ang mga alkalde sa Bulacan sa mga grupo ng truckers na pansamantala munang huminto ng operasyon para makaluwag sa daloy ng trapiko.
- Latest