Development plan project kontra brownout, isusulong sa QC
MANILA, Philippines - Hindi na daranas pa ng brownout ang Quezon City kapag naipatupad na ang development plan project ng lokal na pamahalaan para sa power sector.
Nais ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista na magpatupad ng kaukulang measure sa lungsod upang e-require ang power sector sa pangunguna ng Meralco na magkaroon ng 5 hanggang 10 taong development plan para maiwasan o maibsan ang brownouts sa lungsod laluna kapag may kalamidad tulad ng bagyo.
Sa ginawang clearing at cleaning operations sa QC Hall makaraan ang bagyong Glenda, sinabi ni Bautista na hihilingin niya sa city council na magpasa ng isang ordinansa na eenganyo sa power sector na gamitin ang underground lines upang maiwasan ang pagkawala ng suplay ng kuryente kung masama ang panahon tulad ng bagyo.
Sinabi ni Bautista na karaniwan nang pinuputol ng Meralco ang suplay ng kuryente sa mga bahay at negosyo sa tuwing may kalamidad bunga ng matinding ulan at malakas na bugso ng hangin kayat kung may ganitong uri ng proyekto sa QC, walang dahilan para mawalan ng kuryente ang mga taga-lungsod.
Inamin ni Bautista na bagamat malaking gastusin ang kailangan sa proyektong ito pero maganda naman anya ang magiging tulong nito para sa mga taga QC.
“Hope that 5 to 10 years from now, may development plan na ang Meralco para ilagay na sa ilalim ang mga kable ng kuryente upang wala nang brownout na maranasan kahit dumaan pa ang bagyo,” dagdag ni Bautista.
- Latest