Pader tumba kay ‘Glenda’: 1 patay, 6 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang 27-anyos na babae makaraang madaganan ng gumuhong pader ang kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Glenda, kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Jackielyn Sumapang, habang sugatan naman at dinala sa Valenzuela General Hospital ang lima niyang kaanak na sina Soledad Castro, 52; Joel Mercado, 20; Joemar Mercado, 8-taong gulang; Divine Mercado, 5-anyos; at Jesus Dizon, 54, pawang mga naninirahan sa Narciso St., Brgy. Canumay East, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, pawang nasa loob ng bahay ang mga biktima nang mabuwal ang pader ng compound ng kompanyang Nikon Industries at madaganan ang kanilang bahay dakong alas-8:10 kamakalawa ng umaga.
Pinakanapuruhan sa magkakaanak si Sumapang na kalalabas lamang umano ng pagamutan sa hindi pa mabatid na karamdaman at nakahiga sa kanyang kuwarto nang madaganan ng pader.
Tanghali na nang matagpuan ng “search and rescue team” ang bangkay ng biktima.
Inaalam naman ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan ng kumpanya na nagmamay-ari ng gumuhong pader.
- Latest